“Book Descriptions: Higit sa isang maletang danas at dunong ang malilikom sa pagtalunton sa mga taludtod at hulagway na iniaalay ni Alwynn C. Javier. Manlalakbay ang makata. Paulit-ulit na umaalis at bumabalik siya sa nag-iisa ngunit nag-iibang daigdig na umiinog sa ligalig; umiirog na lagalag at umiilag sa halaghag na pagkakatatag ng mga tagpo at tagpuan bilang pagsuway o pagsaway sa balani ng karaniwan o nakamihasnan. Pagbaling, hindi iling, ang hiling ng makatang manlalakbay upang tulad niya ay ating mamalas at maisamalay na may paglulubag sa paglabag o pag-iwas sa lagi at dati nang landas at aliwalas. At sa wakas o bilang simula, pahikayat sa makata na may awit sa pangangawit ng balikat at dalumat sa pagbuhat ng maletang may dagat ng alamat na nagbabantang sumambulat.