Sa Pagitan ng mga Emerhensiya
(By Rosmon Tuazon) Read EbookSize | 22 MB (22,081 KB) |
---|---|
Format | |
Downloaded | 598 times |
Last checked | 9 Hour ago! |
Author | Rosmon Tuazon |
Nasa koleksiyong ito ang isang mundong arbitraryo bagama’t kongkreto o isang mundong kongkreto kahit arbitraryo, na mamamalayang muli’t muling binubuno-binabanat, binabali-ibinabalik, binabali-baliktad (halimbawa, binabaliktad niya ang esensiya ng talinghaga—“sinasabi kong ‘usok,’ // gayong ang ibig ko talagang sabihin, / may abuhing sawá na tinukso ng kaitaasan.”), binubuo-binubuwag ng isang “mahal na makata” na “nagpapadala lamang [sa kanyang] mga paa” hanggang “makutuban . . . na may kuwentong mas malaki / sa kahit anong [kanyang] ikuwento” at siya ay “gumaganap lamang // sa papel ng walang-ngalang tagapakinig, / o isa sa mga napadaan lamang, hindi rin magtatagal.”
“Sinusulat ito sa pagitan ng mga emerhensiya,” ani Tuazon. Balintuna ito sa konteksto ng kabuuan, gayunman, dahil walang madaramang anumang pagmamadali sa mga tulang narito na isinulat wari sa pag-uurong-sulong, sa pamamaraang parataktiko, palihis o padaplis, palinsad o palunsad pero hindi umaabante kahit malaon nang nakaabante; kung gayon, ang nasa pagitan. Kung gayon, aporetiko, at higit pa, apokaliptiko (kaya may emerhensiya): pirming nakamata sa dulo kahit nananatiling nasa bungad. Patunay lang ito na si Tuazon ang “bisyonaryo / mula sa isang sulok, [nakatanaw] // nang mas malayo sa kanilang malayo // . . . // lampas / sa nauna sa iyong mag-abang”: namimilosopiya habang namimilosopo, mapaglaro at mapaglimi, mapanlansi at mapanlandi. Masalimuot, seduktibo.
—Mesándel Virtusio Arguelles
Masalimuot pero malugod na naisamalay ni Rosmon Tuazon, higit pa, kamangha-manghang naisatula ang mga abentura ng sari-saring kaakuhan at kanilang primaryong damdamin ng pagkilala, lalo na ng matinding pag-aalangan sa sarili, hindi sa negatibo kundi sa tunay na matalas o pilosopikong paraan kasama ng nakaengkuwentrong ibang kamalayan. Sa lundo ito ng emerhensiya, sa sandaling pinaiikot ng malay ang nasaksihan o pinagdaraanang danas. Tila ito ang tuon ng mga tula: ang pag-arok sa drama ng sandaling tutuntungan ng mga sarili. Pinagmumunihan ng manlilikha—arkitekto, pintor, makata, tao—ang kahulugan ng sining para sa kaniya at para sa kapuwa sa lupalop ng pansarili at malawak na kasaysayan. Sa mga ito, bida ang poetiko hindi sa liriko kundi sa nakadistansiyang posisyon: dumadama, nagmumuni sa buhay na hawak ng kamatayan, tumutukoy sa kaakuhan ng iba na supremong katwiran at galugad ng koleksiyong ito.
—Romulo P. Baquiran Jr.
May nakapagsabi na ba na ang pagdanas sa tula ay pagharap at pagtapak sa bingit? Dito, sa aklat ni Rosmon Tuazon, inaasinta ng kaniyang mga tula ang namimintog nating ligalig at bagabag na anumang sandali ay mag-aanyong kuyog ng mga bubuyog. Sa kabila ng pagiging tiim-bagang ng tinig ng kaniyang mga persona, namumugad pa rin sa kani-kanilang dibdib ang pangamba. Walang babala, dinadala nila tayo sa bungad ng matensiyong dramatikong sitwasyon, at dinadakip ng mga taludtod ang ating mga buntonghininga “habang tumutulig ang kalampag, ang singasing // ng di-tanaw na tren.” Sa mga sandali ng walang kapanatagan, kasama natin silang tumatalas ang mga pandama, at nababatak ang hinahon at diwa, kasabay sa pagsisiyasat at paggalugad sa mga ugnayan natin sa isa’t isa, sa mortalidad, sa sining, at sa tula. Ano ang takot ko? tanong ng persona sa isa sa mga tula, at ganap nating mauunawaan na likas na nakabuntot ang takot, at sa biglang-lingon, nagpapatay-malisya o nagpupulasan. Ang pangangailangang harapin ito sa araw-araw. Sa ganito tayo tinuturuan ng makata kung papaano aamuhin ang alinlangan. Sapagkat ang tula, o ang pagdanas sa tula, ay ang pagharap sa pagitan ng mga emerhensiya.
—Enrique S. Villasis”